Linggo, Disyembre 24, 2017

Batang Palengke

Sa ating pagpunta sa pamilihang bayan,
Doo’y makikita mga batang nagtitinda.
Mababakas sa mukha ang hirap ng buhay,
Nguni’t ano nga ba ang nasa kanilang diwa?

Halika’t alamin kanilang damdamin,
Upang sa gano’y lubos na kilalanin.
Namumutawing lungkot na kinikimkim,
Na sa batang palengke’y nakakubli man din.

Sambi’t ni Nena sa madla’y;
“Ako nga po ay isang maralita,
Nguni’t di po magagawa na kayo’y pagnakawan.
Baka po, inyong kalupi’y naiwan lamang,
Nang hindi po ako ang inyong pagbintangan.”

At ang sambit ng Ale nama’y;
“Bakit naman ako’y maniniwala?
Wala kang pinagkaiba sa mga batang dito’y pagala-gala,
Na sa murang edad pa lamang sa ami’y nanguguyo na.”

Ang  Ale’y tumalikod,
Na di napapansin naliligid na luha,
Sa batang paslit ay papatak na.
Kasabay ng pagpulot ng panindang natapon na.

Madaling araw pa lamang,
Gigising ng maaga.
Magbabanat nang buto,
Upang magkaroon ng kuarta.

Mabilis ang paglakad ng kanyang mga paa,
At baka hindi siya makakuha ng paninda.
Habang nagtitinda’y kalaro’y mga parak,
Makikipagtaguan, makikipaghabulan at kung minsan nama’y…

Hindi sinasadyang siya ay madapa.
Sakit ng pagkadapa’y iniinda.
Dahil sa manhid na’t di na makadama.
Tulad noong may nagsabi sa kanya, “ Dapat na maging manhid ka upang ikaw ay mabuhay”.

Mga batang palengke’y,
Magaling magsuot,
Ng maskarang huwad,
At ngiting hindi totoo.

Tunay na nadarama’y,
Nakatago’t nakabaon na.
Nang hindi masaktan,
At magmukhang talunan.

Hindi ba’t kapinsalaan sa murang isipan,
Nitong batang palengke na sana’y nag-aaral,
O kaya’y nakikipaglaro sa mga batang tulad nya,
At nang nadama niya ang buhay na dapat ay nakalaan sa kanya.


1 komento:

Satellite and Weather Indicator